Nasawi ang isang magsasaka habang sugatan ang kanyang kasamahan matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Kadingelan, Barangay Lagunde, Tugunan, Special Geographic Area (SGA) sa BARMM kaninang umaga ng Marso 15, 2026.‎‎

Kinilala ang nasawi na si Toks A. Subhan, 48-anyos, may asawa at magsasaka habang sugatan naman si Abdulhak G. Subhan, 28-anyos, may asawa at kapwa residente ng nasabing barangay.‎‎

Batay sa paunang imbestigasyon ng Tugunan Municipal Police Station, sakay ng iisang Bajaj motorcycle ang dalawang biktima patungo sana sa kanilang buy-and-sell business sa nasabing lugar nang bigla silang harangin at paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang suspek.

‎‎Tinamaan ng bala sa ulo si Toks Subhan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay habang agad namang isinugod sa Cruzado Medical Hospital si Abdulhak Subhan upang malapatan ng lunas.‎‎

Nauna nang naiuwi ng pamilya ang bangkay ng nasawi habang nagsagawa naman ng pag-cordon sa lugar ang mga rumespondeng pulis na pinamunuan ni PLT Cixon J. Kasan.

‎‎Nakarekober ang mga awtoridad ng isang basyong bala na hinihinalang ginamit sa krimen mula sa pinangyarihan ng insidente.‎‎

Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.‎‎

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis katuwang ang AFP habang inalerto rin ang mga kalapit na yunit at naglatag ng spot checkpoints ang SGA police at RMFB 14A para sa posibleng pagkakaaresto ng suspek.‎‎

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa pamamaril.