Tiniyak ng Office of the Chief Minister na magiging credible, mapayapa, transparent at may integridad ang nalalapit na parliamentary elections sa Bangsamoro.
Ayon kay Acting Senior Minister Abdullah “Dong” Cusain, nakapaghanda na ang pamahalaan kahit sa regular schedule pa lamang ng halalan at patuloy itong pinagtitibay sa pakikipag-ugnayan sa COMELEC regional office.
Sinabi ni Cusain na may partikular ding papel ang Office of the Senior Minister sa pagpili ng sectoral representatives sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor at COMELEC.
Inaasahan naman ng opisyal na magkakaroon ng malinaw na guidelines at roadmap sa oras na mapirmahan ang batas para sa BARMM elections.
Iginiit ni Cusain na layunin ng Bangsamoro Government na matiyak ang isang mapayapa, maayos at kapani-paniwalang parliamentary elections.
Binigyang-diin din nito ang mahalagang papel ng PNP at Armed Forces of the Philippines na dine-deputize ng COMELEC bilang frontliners sa seguridad ng halalan.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na wala umanong nakikitang malaking banta ang Philippine Army na maaaring makaapekto sa kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon.

















