Pansamantalang sinuspinde ang ilang engagement sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB ayon sa opisyal na pahayag ng pamunuan ng MILF.
‎
‎Ayon kay UBJP Spokesperson at MILF Information Officer Engr. Mohajirin Ali, ang hakbang ay kaugnay ng pagbibitiw ng chairperson ng GPH Peace Implementing Panel.
‎
‎Sinabi ni Ali na nagdudulot ito ng kakulangan sa gabay para sa mga mekanismo na nagpapatupad ng kasunduan sa pagitan ng gobyerno at MILF.
‎
‎Nanawagan ang kanilang hanay sa pambansang pamahalaan na agad magtalaga ng isang full-fledged panel chair na may sapat na mandato at awtoridad.
‎
‎Giit pa ni Ali, mahalaga ang naturang posisyon upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na implementasyon ng mga napagkasunduan.
‎
‎Nilinaw naman ng opisyal na hindi nangangahulugan ng disengagement ng MILF sa peace agreement ang naturang pansamantalang paghinto.
‎
‎Binigyang-diin din na magpapatuloy ang mandato ng mga umiiral na mekanismo tulad ng ceasefire bodies at iba pang joint structures.
‎
‎Kaugnay nito, sinabi ni Ali na hindi maaapektuhan ang political track o ang nalalapit na halalan sa Bangsamoro.
‎
‎Inaasahan aniya na matutuloy ang eleksyon sa Setyembre kung mapipirmahan ang kinakailangang resolusyon at walang magiging hadlang mula sa Korte Suprema.
‎
‎Sa panig ng UBJP, patuloy na ang kanilang paghahanda para sa eleksyon kabilang ang pagsunod sa mga requirements ng COMELEC.
‎
‎Tiniyak naman ni Ali na nananatiling nakatuon ang MILF sa mapayapang implementasyon ng kasunduan at hindi babalik sa armadong tunggalian.