Naaresto ang isang 38-anyos na lalaki sa isinagawang search warrant operation nitong madaling araw ng Marso 19, 2026 sa M’lang, Cotabato.
Kinilala ang suspek bilang si alias Yan, may asawa, isang magsasaka at residente ng Purok 6, Brgy. Dugong, M’lang.

Ayon sa ulat ng M’lang Municipal Police Station, bandang alas-4:00 ng madaling araw isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng M’lang Police Drug Enforcement Unit, Cotabato Police Provincial Office (CPPO), 1st Mobile Force Company, at PDEA-12. Bitbit ng mga operatiba ang Search Warrant No. SW-KID-1005-2026 na inisyu ni RTC Branch 23 Judge Jose T. Tabosares ng Kidapawan City.
Sa operasyon, narekober mula sa tirahan ng suspek ang walong (8) sachet ng hinihinalang shabu at isang (1) bala ng 12-gauge shotgun at isang (1) bala ng kalibre .45 na baril. Isinagawa ang paghahalughog sa presensya ng barangay opisyal at kinatawan ng media, at doon rin ginawa ang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya.

Agad namang ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan bago siya dinala sa M’lang Police Station para sa dokumentasyon at booking. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya matapos sumailalim sa medical examination.
Ang mga nakumpiskang iligal na droga at bala ay isasailalim sa pagsusuri ng Cotabato Provincial Forensic Unit. Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek para sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

















