Nakiisa ang pambansang pamahalaan sa mga Muslim sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr bilang pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan.
Ipinahayag ni Special Assistant to the President na si Anton Lagdameo Jr. ang mensahe ni Ferdinand Marcos Jr. para sa pagkakaisa ng Bangsamoro at lahat ng Muslim sa buong bansa.
Ayon kay Lagdameo, kahanga-hanga ang tiyaga at pananalig ng mga Muslim, lalo na sa kanilang disiplina at sakripisyo noong Ramadan.
Aniya, ipinapaalala ng Eid’l Fitr na kahit magkakaiba ang mga tao, iisa ang layunin ng bansa para sa kapayapaan at pag-unlad.
Hinimok din niya ang mga komunidad na magtulungan para sa kapayapaan, respeto sa isa’t isa, at patuloy na pag-unlad lalo na sa mga lugar na nais magkaroon ng pangmatagalang kaayusan.
Sa naunang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng malasakit, disiplina, at pagninilay sa sarili bilang gabay sa mas maayos at patas na lipunan.
Sinabi rin ng Pangulo na ang Eid’l Fitr ay hindi lang pagdiriwang kundi paalala ng tungkulin ng bawat isa na magkaintindihan ang iba’t ibang kultura at relihiyon sa bansa.
Ang Eid’l Fitr ay isa sa pinakamahalagang pagdiriwang sa Islam na sumisimbolo ng pasasalamat, pagbibigayan, at panibagong pananalig matapos ang isang buwang pag-aayuno at pagdarasal.

















