Muling haharap ang mga motorista sa panibagong oil price hike kung saan inaasahang tataas nang malaki ang presyo ng diesel sa susunod na Linggo dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East.

Batay sa apat na araw na galaw ng Mean of Platts Singapore trading, tinatayang madadagdagan ng P11 hanggang P12 kada litro ang diesel na posibleng magdala sa presyo nito sa pagitan ng P118 hanggang P146.30 kada litro sa mga gasolinahan.

Sa kasalukuyan, nasa P107 hanggang P134.30 kada litro ang diesel matapos ang kamakailang P15 hanggang P18 na dagdag-presyo ngayong linggo.

Posible ring sumipa ang premium diesel sa P125 hanggang P156 kada litro mula sa kasalukuyang P115 hanggang P144 kada litro.

Samantala, bahagya lamang ang galaw ng gasolina na maaaring manatiling walang pagbabago o tumaas ng hanggang P3 kada litro na maaaring magtulak sa presyo nito hanggang P115.40 kada litro.

Sa kabila nito, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may sapat na suplay ng langis ang bansa hanggang Hunyo 30, 2026 habang patuloy ang gobyerno sa paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng krudo.

Matatandaang nagdeklara ang Pangulo ng state of national energy emergency noong Marso 24 kasunod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.