‎Mariing kinondena ng Cotabato City Police Office ang naganap na pananambang sa mga tauhan ng PNP sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na ikinasawi ng limang pulis at ikinasugat ng tatlo pa.

‎Ayon sa CCPO, isang karumal-dumal at duwag na pag-atake ang insidente na anila’y tahasang pagyurak sa kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

‎Nagpahayag din ng pakikiisa ang tanggapan sa mga naulilang pamilya ng mga nasawi at sa buong hanay ng Philippine National Police sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.

‎Kasabay nito, pinaigting na ng mga otoridad ang seguridad at operasyon katuwang ang mas mataas na himpilan upang matukoy at mahuli ang mga responsable sa krimen.

‎Nanawagan naman ang CCPO sa publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa agarang paglutas ng kaso.

‎Tiniyak din ng CCPO ang kanilang patuloy na dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mamamayan.