Pormal nang nanumpa sa tungkulin bilang bagong Provincial Director ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office (MDSPPO) si PCOL Michael John C. Mangahis sa ginanap na assumption of office ceremony sa Camp Datu Akilan Ampatuan sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur ngayong araw, April 1, 2026.

Pinangunahan ang seremonya ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region, na kinatawan ni PCOL Giuseppe A. Geralde, Chief ng Regional Personnel and Records Management Division.

Dumalo rin sa nasabing programa si Board Member Datu Yasser Ampatuan bilang kinatawan ng pamahalaang panlalawigan, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng PRO-BAR at mga miyembro ng command group ng MDSPPO.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mangahis ang kanyang mga prayoridad sa pamumuno, kabilang ang pagpapatibay ng seguridad kasunod ng mga insidenteng kinasasangkutan ng mga pulis, pagpapalakas ng kampanya kontra kriminalidad, at mas pinaigting na ugnayan sa komunidad.

Ipinangako rin nito ang pagpapahusay sa operasyon ng kapulisan at pagtutok sa kapakanan ng mga tauhan, kasabay ng pasasalamat sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng pamunuan ng PRO-BAR.

Matapos ang seremonya, agad na nagsagawa ng kauna-unahang command conference si Mangahis kasama ang mga unit commanders at key personnel ng MDSPPO.

Tinalakay sa pulong ang pagpapalakas ng seguridad sa buong lalawigan, kabilang ang malawakang deployment ng mga pulis sa mga pampublikong lugar at pangunahing lansangan upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.