Tiniyak ng pamahalaan ng Iran na ligtas na makakadaan ang mga barkong may bandila ng Pilipinas at ang mga Filipino seafarers sa Strait of Hormuz, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes, Abril 2, 2026.
Apektado ang naturang daungan dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan, na nagdudulot ng epekto sa pandaigdigang suplay ng langis.
Sinabi ng DFA na nagkaroon ng kasunduan matapos ang pag-uusap sa telepono nina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro at ranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi, kung saan tiniyak ng Iran ang mabilis, ligtas, at walang sagabal na pagdaan ng mga barko ng Pilipinas sa lugar.
Ito ay kasunod ng hiling ng Pilipinas na kilalanin bilang “non-hostile country,” bilang proteksyon sa mga seafarers at para masiguro ang seguridad ng enerhiya sa bansa, lalo na’t kasabay nito ang mataas na presyo ng langis at ang deklarasyon ng state of national energy emergency sa Pilipinas.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mainit at bukas ang naging talakayan sa pagitan ng dalawang panig. Kasama rin sa pagpupulong sina Sharon Garin at Yousef Esmaeilzadeh.
Nagkasundo ang dalawang bansa na iproseso ang lahat ng kahilingan ng Pilipinas sa pamamagitan ng opisyal na diplomatic channels upang masiguro ang agarang aksyon at koordinasyon.

















