Tatlong miyembro ng isang pamilya ang naging biktima sa naganap na pamamaril sa Barangay Mileb, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur noong Abril 5, 2026.

Nasawi sa insidente ang padre de pamilya na kinilalang si Said Bansil, 30-anyos, residente ng naturang lugar. Agad siyang binawian ng buhay matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, nakaligtas ang kanyang asawa at anak, ayon kay 6th Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Ronald E. Suscano. Kasalukuyan silang nagpapagaling sa Lambayong Municipal Hospital matapos magtamo rin ng mga sugat.

Napag-alaman din na walong buwang buntis ang asawa ng biktima sa oras ng insidente.

Batay sa paunang imbestigasyon, mahimbing na natutulog ang pamilya sa loob ng kanilang bahay nang pasukin at pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek pasado alas-dose ng hatinggabi.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng krimen at matunton ang mga responsable.