Posibleng makatikim ng kaunting ginhawa ang mga motorista sa darating na linggo matapos ang sunod-sunod na pagmahal ng produktong petrolyo sa nakalipas na mahigit isang buwan.

Ito ay kasunod ng pansamantalang paghupa ng tensyon sa Gitnang Silangan matapos magkasundo sa tigil-putukan ang United States at Iran sa loob ng dalawang linggo.

Ayon sa isang tagaloob ng industriya ng langis, bumaba ang benchmark na Mean of Platts Singapore o MOPS, kasama na ang premiums, na nagdulot ng inaasahang rollback sa lokal na presyo.

Sa paunang pagtataya base sa galaw ng merkado nitong mga unang araw ng linggo, maaaring bumaba ang diesel ng P2.50 hanggang P3.40 kada litro, habang nasa paligid ng P1.00 kada litro ang bawas sa gasolina.

Gayunman, hindi pa ito pinal dahil maaari pang maapektuhan ng trading sa mga susunod na araw ang magiging pinal na galaw ng presyo.

May indikasyon din umano na maaaring sumunod ang panibagong pagtaas depende sa magiging direksyon ng global market.

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagamitin ng pamahalaan ang pagkakataong ito upang tiyakin ang sapat na suplay ng langis sa bansa habang umiiral ang tigil-putukan.