Naglabas na ng pinal na pahayag si Member of Parliament Atty. Kitem Kadatuan Jr. kaugnay ng umiinit na kontrobersya sa pagitan nila ni Atty. Allanudin Sulaik Hasaan hinggil sa isyu ng pagtawag umanong “weak-willed” sa ilang kumander na lumipat sa Bangsamoro Federalist Party.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Kadatuan na napatunayan umano niya ang kanyang punto na may mga pahayag na aniya’y nagpapakita ng kakulangan ng respeto sa sakripisyo ng mga Mujahideen.

Gayunman, nanawagan ang mambabatas ng paghilom ng hidwaan at pagtutulungan para sa kapakanan ng Bangsamoro, sabay diin na nais na niyang tapusin ang isyu.

Humingi rin siya ng paumanhin sa mga maaaring nasaktan sa kanyang mga naging pahayag.
Ayon kay Kadatuan:
“POINT PROVEN. Magtulungan na lang tayo… Humihingi po ako ng pasensya kung meron man ako nasaktan o nagawan ng kasalanan. I will move on from the settled issue…”

Dagdag pa niya, umaasa siyang hindi na muling maglalabas ng mga pahayag na aniya’y nagpapababa ng pagtingin sa sakripisyo ng mga Mujahideen, at iginiit na dapat iwasan ang paggamit ng isyu para lamang sa “attention” o pansin.

Binigyang-diin din ng MP ang paalala laban sa paninira at hindi paggalang sa kapwa, kalakip ang isang Qur’anic verse na nag-uutos ng pag-iwas sa pangungutya at paglalapastangan sa dignidad ng iba.

Sa huli, nagpasalamat si Kadatuan at nagwakas sa panalangin ng kapayapaan at gabay.