Nagpahayag ng matinding pagdadalamhati si BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa pagpanaw ng isang 11-anyos na sepak takraw player mula Lamitan City, Basilan na lumahok sa BARMMAA Meet 2026 sa Parang, Maguindanao del Norte.

Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ng punong ministro na nakikiramay siya sa pamilya, mga kaibigan, teammates at buong komunidad ng paaralan ng nasawing bata.

Binigyang-diin ni Macacua na ang pagkawala ng isang batang puno ng pangarap at potensyal ay isang mabigat na trahedya na labis na nakaapekto hindi lamang sa pamilya kundi sa buong Bangsamoro.

Kinilala rin niya ang dedikasyon at sipag ng batang atleta na nagsilbing inspirasyon at simbolo ng kabataang Bangsamoro.

Ayon pa sa Chief Minister, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Bangsamoro Government sa pamamagitan ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education at iba pang ahensya sa mga organizers upang matiyak ang pagbibigay ng kinakailangang tulong sa pamilya.

Tiniyak din ng pamahalaan na mananatiling prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng student-athletes sa naturang palaro.

Nanalangin naman si Macacua na pagkalooban ng kataas-taasang gantimpala sa Jannah ang nasawing bata at lakas at kapanatagan ang naiwang pamilya nito.