Habang papalapit ang pagtatapos ng Transition Period sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), muling pinagtibay ni Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua ang kanyang pokus sa tungkulin bilang pinuno ng rehiyon.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Macacua na ang mga hamon sa kasalukuyan ay nangangailangan ng mas matibay na dedikasyon upang matiyak ang maayos na paghahatid ng serbisyong pampubliko at mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga komunidad.

Dahil dito, inanunsyo ng Chief Minister na pansamantala siyang iiwas sa anumang partisan political activities upang mas mapagtibay ang pagtugon sa mga pangangailangan ng Bangsamoro.

Ayon sa kanya, ang hakbang ay naglalayong isantabi ang mga pagkakaibang pulitikal at isulong ang mas malawak na kooperasyon para sa kapakanan ng mamamayan, lalo na sa mahalagang yugto ng transisyon ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Macacua na nananatiling pangunahing direksyon ng kanyang pamumuno ang pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Bangsamoro habang patuloy ang mga reporma at programa ng pamahalaan sa rehiyon.