Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulisya ang isang lalaking wanted sa apat na bilang ng kasong panggagahasa sa isinagawang operasyon sa Isulan, Sultan Kudarat, Martes ng umaga, April 29.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-8:00 ng umaga sa pangunguna ng Tracker Team ng Police Station 3 ng Cotabato City Police Office, katuwang ang Isulan Municipal Police Station at Sultan Kudarat Police Provincial Office sa ilalim ng Police Regional Office-12.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng apat na bilang ng kasong rape.

Nakasaad sa utos ng hukuman na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda sa pagharap nito sa hukuman.