Maaaring umabot sa P60 hanggang P62 kada kilo ang presyo ng bigas sa mga susunod na buwan, partikular pagsapit ng Setyembre, ayon kay Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr..
Sa pagdinig ng Senate PROTECT Committee, inihayag ng kalihim na isa sa pangunahing dahilan ng inaasahang pagtaas ay ang patuloy na pagsirit ng presyo ng abono. Aniya, halos doble na ang itinaas nito—mula P1,650 ay nasa P3,000 na kada sako.
Binigyang-diin ni Laurel na kung magpapatuloy ang mga magsasaka sa paggamit ng tradisyunal na urea sa halip na gumamit ng mga alternatibong pataba na inirerekomenda ng Department of Agriculture, lalo lamang tataas ang kanilang gastos sa produksyon. Kapag nangyari ito, hindi maiiwasang maipasa ang dagdag-gastos sa presyo ng bigas sa merkado.
Upang mapigilan ang matinding pagtaas ng presyo, pinag-aaralan na ng DA ang ilang posibleng hakbang, kabilang ang pagpapatupad ng rice blend at corn blend.
Sa ilalim ng rice blend, paghahaluin ang lokal at imported na bigas—gaya ng 70-30 o 60-40 na timpla—upang mapanatili ang sapat na suplay habang natutulungan din ang mga lokal na magsasaka.
Samantala, ang corn blend ay alternatibong kombinasyon ng puting mais at bigas sa pantay na proporsyon, na maaaring magsilbing mas abot-kayang pagpipilian para sa mga mamimili.
Patuloy na naghahanap ang pamahalaan ng mga solusyon upang mapanatiling sapat ang suplay at mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa bansa.

















