Sugatan ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Sitio Torres, Brgy. Limbo ngayong gabi ng Huwebes, Abril 30.‎‎

Kinilala ang biktima na si Abdulnasser Untong Gonsang, may asawa, nasa hustong gulang, at nagtatrabaho bilang service crew.‎‎

Batay sa paunang imbestigasyon ng mga rumespondeng tauhan ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, lumapit umano ang biktima sa isang grupo ng mga nag-iinuman upang makisali sa mga ito.‎‎

Habang nasa lugar, bigla na lamang dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng motorsiklo at walang ano-ano na pinagbabaril ang biktima.

‎‎Agad namang isinugod ng kanyang pamilya ang biktima sa Cotabato Sanitarium and General Hospital para sa agarang gamutan.‎‎

Samantala, humingi na ng tulong ang pulisya sa SOCO para sa masusing pagproseso ng crime scene habang nagpapatuloy ang hot pursuit operation laban sa mga suspek na kasalukuyang at large.‎‎

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen.‎