Sugatan ang isang lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Sitio Torres, Brgy. Limbo ngayong gabi ng Huwebes, Abril 30.
Kinilala ang biktima na si Abdulnasser Untong Gonsang, may asawa, nasa hustong gulang, at nagtatrabaho bilang service crew.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga rumespondeng tauhan ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, lumapit umano ang biktima sa isang grupo ng mga nag-iinuman upang makisali sa mga ito.
Habang nasa lugar, bigla na lamang dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek sakay ng motorsiklo at walang ano-ano na pinagbabaril ang biktima.
Agad namang isinugod ng kanyang pamilya ang biktima sa Cotabato Sanitarium and General Hospital para sa agarang gamutan.
Samantala, humingi na ng tulong ang pulisya sa SOCO para sa masusing pagproseso ng crime scene habang nagpapatuloy ang hot pursuit operation laban sa mga suspek na kasalukuyang at large.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa krimen.

















