Sa gitna ng kanilang ikaapat na civilian mission patungong Pag-asa Island, ginunita ng Atin Ito Coalition ang Araw ng Paggawa sa gitna ng karagatan upang kilalanin ang sakripisyo at katapangan ng mga Pilipinong mangingisda at frontline workers na patuloy na nagtatanggol sa kabuhayan sa West Philippine Sea.
Sakay ng pangunahing sasakyang-dagat na MV Kapitan Felix Oca, nagsagawa ng maikling programa ang mga boluntaryo at naglatag ng mga banner bilang pagkilala sa mga manggagawang araw-araw na humaharap sa panganib sa nasabing karagatan, lalo na sa gitna ng umano’y pangha-harass ng mga barko ng China.
Nauna nang kinondena ng National Maritime Council (NMC) ang serye ng agresibo at mapanganib na aksyon ng Chinese maritime forces laban sa mga sasakyang-dagat, tauhan, at lokal na mangingisda ng Pilipinas noong buwan ng Marso.
Pinangunahan ni Atin Ito co-convenor at Akbayan President Rafaela David ang misyon at binigyang-diin ang katapangan ng mga mangingisda at frontliners sa kabila ng tumitinding tensyon.
Binigyang-diin ni David ang pagkilala sa tapang ng mga mangingisda na patuloy na naghahanapbuhay sa kabila ng pananakot at karahasan, at iginiit na dapat itong samahan ng mas pinaigting na aksyon mula sa pamahalaan upang maprotektahan ang kanilang kabuhayan at karapatan.
Ayon pa sa kanya, ang usapin sa West Philippine Sea ay hindi lamang tungkol sa teritoryo kundi nangangailangan ng tuloy-tuloy na hakbang upang mapangalagaan ang kabuhayan ng mga mangingisda at ang dignidad ng bawat Pilipino.
Kasabay ng paggunita sa Araw ng Paggawa, sinimulan din ang National Month of Fisherfolk and Farmers, kung saan nanawagan ang Atin Ito ng mas malakas na suporta para sa mga manggagawang rural na nagsusustento sa suplay ng pagkain ng bansa.
Hiniling naman ni Hilda Reyes ng San Miguel Women Fish Vendors at Municipal Fisheries and Aquatic Resource Management Council ng San Antonio, Zambales ang agarang pagtugon ng pamahalaan sa hinaing ng mga mangingisda, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Samantala, nangako si Akbayan Representative Dadah Kiram Ismula na ipaglalaban ang karapatan ng mga mangingisda, kabilang ang sapat na pagkain, seguridad sa trabaho, at mas matibay na proteksyon laban sa banta sa karagatan ng Pilipinas.
Binigyang-diin din ni Ismula na sa bawat huling isda ng mga mangingisda ay napapakain ang buong bansa, at sa kanilang pagbabantay sa karagatan ay napoprotektahan ang dangal ng Pilipinas.
Inaasahang darating ang misyon sa Pag-asa Island ngayong hapon ng Mayo 2, kung saan magbibigay ang Atin Ito Coalition ng pagkain, hygiene kits, at fuel, magsasagawa ng medical assistance, at magdaraos ng community program na tampok ang grupong Morobeats.

















