Sugatan ang isang guro ng Cotabato State University matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa kahabaan ng Sinsuat Avenue, Barangay Rosary Heights 4, Cotabato City ngayong tanghali.‎‎

Kinilala ang biktima na si Faisal Ura Usop, 58-anyos, may asawa, at residente ng ND Village, Barangay Rosary Heights 8.‎‎

Batay sa ulat ng Cotabato City Police Office Police Station 2, naganap ang insidente bandang alas-11:25 ng umaga habang pauwi umano ang biktima sakay ng kanyang Hilux.

‎‎Lumabas sa paunang imbestigasyon na dalawang lalaking sakay ng asul na Honda Click motorcycle ang biglang tumabi sa driver’s side ng sasakyan bago walang habas na paputukan ang biktima.

‎‎Tinamaan si Usop sa kaliwang bahagi ng leeg, kaliwang itaas na dibdib, at kaliwang balikat bago mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

‎‎Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PS2 sa pangunguna ni Anuar Mambatao matapos makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen.‎‎

Humingi rin ng tulong ang pulisya sa RFU-BAR para sa pagproseso ng crime scene kung saan nakarekober ng dalawang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril.‎‎

Dinala naman ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center para sa agarang gamutan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.