Sugatan ang isang guro ng Cotabato State University matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa kahabaan ng Sinsuat Avenue, Barangay Rosary Heights 4, Cotabato City ngayong tanghali.
Kinilala ang biktima na si Faisal Ura Usop, 58-anyos, may asawa, at residente ng ND Village, Barangay Rosary Heights 8.
Batay sa ulat ng Cotabato City Police Office Police Station 2, naganap ang insidente bandang alas-11:25 ng umaga habang pauwi umano ang biktima sakay ng kanyang Hilux.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na dalawang lalaking sakay ng asul na Honda Click motorcycle ang biglang tumabi sa driver’s side ng sasakyan bago walang habas na paputukan ang biktima.
Tinamaan si Usop sa kaliwang bahagi ng leeg, kaliwang itaas na dibdib, at kaliwang balikat bago mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PS2 sa pangunguna ni Anuar Mambatao matapos makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen.
Humingi rin ng tulong ang pulisya sa RFU-BAR para sa pagproseso ng crime scene kung saan nakarekober ng dalawang basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril.
Dinala naman ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center para sa agarang gamutan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.

















