Nagpulong ang Provincial Joint Peace and Security Coordinating Committee (JPSSCC) kahapon, May 11, 2026, dakong 2:00 ng hapon sa Camp Datu Akilan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na palakasin ang seguridad at kapayapaan sa lalawigan.

Pinangunahan ang pagpupulong ni PCol. Michael John C. Mangahis, Acting Provincial Director ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, kasama ang mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Dumalo rin sina BGen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, BGen. Ricky P. Bunayog, Commander ng 602nd Brigade, at Col. Emil Rex C. Santos, Deputy Brigade Commander ng 1st Mechanized Brigade, kasama ang kani-kanilang staff at battalion commanders.

Sa naturang pulong, tinalakay ang kabuuang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan, kabilang ang crime trends, operational accomplishments ng PNP at AFP, at mga resulta ng joint anti-criminality at counter-terrorism operations.

Ibinahagi rin ng mga security forces ang kani-kanilang operational updates, kabilang ang deployment plans ng tropa, augmentation requirements, at overall security posture ng mga unit sa rehiyon.

Isinama rin sa talakayan ang preparasyon para sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) 2026, kung saan pinagkasunduan ang pinatibay na security measures upang matiyak ang maayos, mapayapa, at ligtas na halalan.

Nagkaisa ang AFP at PNP na magpatupad ng mas mahigpit na monitoring, proactive deployment ng mga pwersa, at mas pinalakas na koordinasyon sa Commission on Elections (COMELEC) at mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang seguridad ng mga polling centers, kandidato, at botante sa buong Maguindanao del Sur.

Sa huli, nagtapos ang pagpupulong sa pagbuo ng isang pinagsamang strategic deployment plan na layuning tutukan ang banta ng local terrorist groups at iba pang destabilizing elements, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya para sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa lalawigan.