Kinilala ng International Criminal Court ang isang bagong legal counsel para sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod ng pagbibitiw ng nauna nitong lead counsel na si Nicholas Kaufman.

Ayon sa ulat, si Peter Haynes, isang British barrister at eksperto sa international criminal defense, ang inaasahang hahawak sa depensa ng dating pangulo sa kanyang kaso sa ICC.

Si Haynes ay may higit tatlong dekadang karanasan sa larangan ng batas at nagsilbi rin bilang pangulo ng ICC Bar Association, isang organisasyon ng mga legal practitioners sa ilalim ng international criminal justice system.

Nakilala rin siya sa paghawak ng ilang high-profile cases sa internasyonal na antas, kabilang ang naging legal representation niya kay Joseph Kony, ang Ugandan rebel leader na konektado sa Lord’s Resistance Army.

Ang pagbabago sa legal team ay kasunod ng pag-alis ni Nicholas Kaufman bilang lead counsel ni Duterte, ayon sa mga naunang ulat.