Nasawi ang isang 27-anyos na lalaki matapos barilin sa Brgy. Pindolonan, Picong, Lanao del Sur, bandang 12:00 ng tanghali noong Mayo 19, 2026.
Kinilala ang biktima na si Aiman Absarani Gunda, isang driver at residente ng nasabing barangay, habang ang suspek na si alyas Jam, 27-anyos, magsasaka at kapwa residente ng lugar, ay kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na posibleng may kinalaman sa utang ang motibo ng insidente.
Ayon sa Picong Municipal Police Station, isang concerned citizen ang nag-ulat ng pamamaril na naganap sa lugar na may layong humigit-kumulang limang kilometro mula sa himpilan ng pulisya.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Picong MPS katuwang ang 51st Infantry Battalion ng Philippine Army at 3rd MP RMFC, RMFB 14-A upang beripikahin ang ulat.
Batay sa imbestigasyon, bago ang insidente ay abala umano ang biktima sa pagkukumpuni ng kanyang sasakyang Toyota Town Ace nang tumigil ito upang bumili sa isang tindahan. Habang pabalik sa kanyang sasakyan, bigla na lamang umanong sumulpot ang suspek at binaril ito gamit ang isang M16 rifle, batay sa mga nakuhang basyo ng bala sa pinangyarihan.
Tinamaan sa dibdib ang biktima at agad na binawian ng buhay sa lugar, habang tumakas ang suspek patungo sa Sitio Barupit, Brgy. Pindolonan.
Sa follow-up operation, lumalabas na magkakilala at magkakapitbahay ang biktima at suspek. Ayon pa sa ulat, kinumpirma rin umano ng asawa ng suspek ang pagkakasangkot nito sa krimen.
Patuloy ang hot pursuit operation ng mga awtoridad para sa agarang pag-aresto sa suspek at pagsasampa ng kaukulang kaso.















