Epektibo ngayong Martes, Mayo 26, 2026, ipinatupad ang panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na inaasahang magdadagdag sa gastusin ng mga motorista sa buong bansa.

Batay sa abiso ng Department of Energy (DOE), ang kada litro ng diesel ay tumaas ng P1.96, gasolina ng P1.60, at kerosene ng P1.45.

Ayon sa DOE, ang muling paggalaw sa presyo ay bunsod ng mas mahigpit na suplay sa pandaigdigang oil market, kung saan may mga ulat ng paglipat ng supply sa ibang rehiyon kasabay ng pagbawas ng produksyon sa ilang bahagi ng Europa.

Matatandaan na noong nakaraang linggo, nagpatupad din ng dagdag-presyo sa produktong petrolyo, kung saan tumaas ang gasolina ng P1.21 kada litro at diesel ng P2.82, habang bumaba naman ang kerosene ng P2.11.

Dahil sa sunod-sunod na paggalaw ng presyo, umabot na sa net increase mula simula ng taon ang P48.12 kada litro sa gasolina, P44.84 sa diesel, at P39.05 sa kerosene.

Sa pinakahuling datos ng DOE, nasa 44.82 araw ang fuel inventory ng bansa, bahagyang mas mababa kumpara sa 45.33 araw noong nakaraang linggo.