Sugatan ang isang 70-anyos na mangingisda habang naaresto naman ang isang barangay tanod matapos ang insidente ng indiscriminate firing na nauwi sa frustrated homicide sa Look-Bisaya, Kaulungan Island, Al-Barka, Basilan.
Kinilala ang biktima na si Akama Sampang Sulayman, residente ng Barangay Look-Bisaya, na nagtamo ng tama ng bala sa bahagi ng tiyan, kanang sentido at kanang tagiliran.
Ang suspek ay kinilalang si alyas Abs, 26-anyos at miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT), ay nagtamo rin ng sugat sa kaliwang pulsuhan sanhi umano ng pagsabog at pagpalya ng ginamit na baril.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-9:00 ng gabi, kahapon, ayo 28 habang ipinagdiriwang ang belated celebration ng Eid al-Adha sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagpaputok umano ng isang M14 rifle ang suspek bilang bahagi ng pagdiriwang, subalit nagkaroon ito ng malfunction dahilan upang sumabog at mag-backfire ang bala na tumama sa kanya at sa biktimang nasa tabi nito.
Bandang alas-10:25 ng umaga, nang makatanggap ng ulat ang Al-Barka Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen hinggil sa narinig na putok ng baril sa nasabing isla.
Agad rumesponde ang mga pulis, nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay at sa mga tauhan ng 45th Infantry Battalion na nakadeploy sa lugar upang magsagawa ng imbestigasyon.
Kapwa isinakay sa bangka ang biktima at suspek at dinala sa Basilan General Hospital para sa agarang gamutan.
Sa isinagawang follow-up investigation sa ospital, nakumpirma umano ng suspek na sangkot siya sa insidente ng indiscriminate firing gamit ang M14 rifle.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang ginamit na baril habang hinihikayat ang pagsuko nito para sa karagdagang pagsusuri.
Kasalukuyang nasa hospital arrest ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.
Hinikayat din ng mga imbestigador ang biktima na magsampa ng reklamong frustrated homicide, habang isasailalim naman sa paraffin test ang suspek bilang bahagi ng imbestigasyon.
















