Nilinaw ng Bangsamoro Attorney General’s Office (BAGO) na walang direktang kinalaman si BARMM Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa kasong kasalukuyang kinakaharap ni dating Minister at Member of Parliament Mohagher M. Iqbal sa Office of the Ombudsman.
Ang paglilinaw ay inilabas kasunod ng mga ulat at interpretasyong nag-uugnay sa Chief Minister sa reklamong isinampa laban sa dating opisyal.
Ayon kay Bangsamoro Attorney General Bantuas M. Lucman, walang reklamong isinampa si Macacua laban kay Iqbal at wala rin umano itong paunang kaalaman sa kasong iniimbestigahan ng Ombudsman.
Ipinaliwanag ng BAGO na ang anumang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman ay isinasagawa nang independiyente sa ilalim ng mandato nito sa Konstitusyon. Maaari rin umanong magsagawa ng pagsisiyasat ang Ombudsman sa sarili nitong inisyatiba o motu proprio, gayundin batay sa mga impormasyon, referral, at audit findings mula sa mga ahensyang gaya ng Commission on Audit (COA).
Binigyang-diin din ng tanggapan na hindi dapat ituring na paghahain o pag-uudyok ng reklamo ang naging tugon ng Chief Minister sa isang liham ni Iqbal. Anila, layunin lamang ng naturang komunikasyon na ipaalala na may mga institusyong may legal na mandato at kapangyarihang magsagawa ng due process at independent review sa mga usaping nangangailangan ng imbestigasyon.
Dahil dito, muling iginiit ng BAGO na walang partisipasyon o interbensyon ang tanggapan ng Chief Minister sa anumang kaso o imbestigasyong isinasagawa ng Ombudsman laban kay Iqbal, at ang lahat ng kaukulang proseso ay nananatiling nasa ilalim ng mga ahensyang may legal na kapangyarihan na magsagawa nito.

















