Personal na binuo ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua ang Search and Screening Committee na susuri sa mga aplikanteng nais maging bahagi ng kanyang gabinete sa unang regular na pamahalaang Bangsamoro.
Ayon kay dating Minister of the Interior and Local Government Jordan S. Bayam, na nagsisilbing chairman ng komite, inilabas ni Macacua ang memorandum para sa pagbuo nito noong Oktubre 30 upang mapabilis ang pagproseso ng mga aplikasyon at pagsasagawa ng mga panayam.
Nilinaw ni Bayam na rekomendasyon lamang ang mandato ng komite at nasa kamay pa rin ng Chief Minister ang pinal na desisyon kung sino ang itatalaga sa mga posisyon.
“Ang guidance nitong committee is recommendatory. The appointing authority and may final say is the Chief Minister,” ayon kay Bayam.
Ipinaliwanag niyang interview at scoring lamang ang isinasagawa ng komite sa mga aplikante, na nagsimula noong Nobyembre 3 at nakatakdang matapos ngayong Nobyembre 4.
Pangunahing pamantayan sa pagsusuri ang kahandaan at kakayahan ng mga aplikante na mamuno sa isang ahensya alinsunod sa prinsipyo ng Moral Governance.
Ayon kay Bayam, walong kasalukuyan at dating miyembro ng BARMM Parliament ang sumailalim na sa panayam, bukod pa sa iba pang aplikanteng naglingkod sa dating Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM Government.
Nilinaw din niyang bukas ang aplikasyon sa mga miyembro ng Parliament, kabilang ang mga kabilang sa minorya, basta’t malinis ang kanilang rekord at kuwalipikado sa posisyong inaaplayan.
“All processes applies to all. They must submit. Everyone is welcome to apply for as long as you are qualified,” dagdag ni Bayam.
Binigyang-diin din ng chairman na hindi dapat italaga sa gabinete ang sinumang aplikanteng mapatunayang may rekord ng korapsyon o hindi sumusunod sa prinsipyo ng Moral Governance.
“If there someone that we interviewed and we see that his record has corruption, I will be the one to tell the Chief Minister not to hire him,” pagtitiyak ni Bayam.
Umabot na sa 22 aplikante ang nakapanayam noong Nobyembre 3, habang inaasahang matatapos ang natitirang panayam ngayong araw upang maipasa agad sa Chief Minister ang rekomendadong listahan.
“Inshaallah, we can end this by tomorrow, recommend the list to the Chief Minister para makabuo na siya agad ng members of cabinet,” ani Bayam.
Ipinaliwanag din niyang piniling isagawa nang sabay-sabay ang mga panayam upang makatipid sa oras at mabigyan ang Chief Minister ng pagkakataong mapag-aralan ang mga rekomendasyon bago magpasya sa bubuuing gabinete.
Matatandaang binuksan ng Bangsamoro Government ang aplikasyon para sa mga nagnanais na maging Minister, Deputy Minister at Head of Office na makakasama ni Macacua sa limang taong panunungkulan ng unang regular na pamahalaang Bangsamoro.
Home Local News Moral Governance, gagamiting sukatan sa pagpili ng Ministers at iba pang gabinete...

















