Nasakote ng mga awtoridad ang Top 1 Most Wanted Person sa bayan ng Guindulungan, Maguindanao del Sur sa isinagawang law enforcement operation noong Hunyo 2.

Kinilala ang suspek sa alyas na Mabang, na nahaharap sa kasong homicide sa ilalim ng Article 249 ng Revised Penal Code. Naaresto ito bandang alas-10:30 ng umaga sa Barangay Sampao, Guindulungan sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 27 sa Cotabato City.

Batay sa rekord ng korte, may nakatakdang piyansang nagkakahalaga ng P200,000 para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Naging matagumpay ang operasyon sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Guindulungan Municipal Police Station, Provincial Mobile Force Company, Provincial Intelligence Unit, at 11th Mechanized Company.

Pinuri naman ni Maguindanao del Sur Police Provincial Office Acting Provincial Director PCol. Michael John C. Mangahis ang mga operatiba sa kanilang dedikasyon at propesyonalismo. Aniya, patunay ang matagumpay na pag-aresto sa patuloy na pagsisikap ng Philippine National Police na maihatid ang hustisya at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.