Pinaigting na ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang kanilang paghahanda para sa nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng halalan sa rehiyon.
Ayon kay Lt. Col. Ronald E. Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry “Kampilan” Division, nagsagawa na ng Joint Coordinating Conference ang Joint Task Force Central ng 6ID at mga opisyal ng PNP-BARMM bilang bahagi ng pagpaplano ng seguridad para sa eleksyon.
Aniya, nakahanda ang mga infantry brigades na nakatalaga sa iba’t ibang lalawigan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao upang suportahan ang PNP sa pagpapanatili ng kaayusan bago at habang isinasagawa ang halalan.
Kabilang dito ang 601st Infantry Brigade para sa Maguindanao del Sur, 602nd Infantry Brigade para sa Maguindanao del Norte at mga karatig na lugar kabilang ang North Cotabato, habang nakaantabay naman ang mga pwersa ng 1st Infantry Division para sa Lanao del Sur at Lanao del Norte.
Mangangasiwa naman sa seguridad sa Basilan ang 11th Infantry Division bilang bahagi ng kabuuang security deployment ng militar sa rehiyon.
Sinabi pa ni Suscano na nakahanda ring magbigay ng karagdagang pwersa ang mga kalapit na military units mula sa ibang rehiyon, kabilang ang Davao Region, sakaling kailanganin ang mas mahigpit na seguridad sa panahon ng halalan.
Tiniyak naman ng AFP ang patuloy na pakikipag-ugnayan nito sa PNP at iba pang law enforcement agencies upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang anumang banta sa seguridad kaugnay ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro.

















