Nagdeklara ng Yellow Alert sa Mindanao Grid nitong Miyerkules, Hunyo 10, 2026, dahil sa manipis na reserbang suplay ng kuryente at mataas na demand sa rehiyon.

Batay sa abiso, ipinatupad ang Yellow Alert mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon kung saan naitala ang available capacity na 2,731 megawatts habang umabot naman sa 2,611 megawatts ang peak demand.

Ayon sa grid operator, malaking bahagi ng kakulangan sa suplay ay dulot ng sunod-sunod na forced outage ng ilang power plants sa Mindanao.

Sa tala, 12 planta ang kasalukuyang naka-forced outage ngayong Hunyo 2026, habang tatlong iba pang planta ang hindi pa rin operational mula pa noong Mayo 2026.

Mayroon ding isang planta na hindi gumagana mula pa noong Setyembre 2025 at dalawa pang planta na naka-outage simula 2024.

Samantala, 33 iba pang power plants ang tumatakbo lamang sa derated capacities o mas mababa sa kanilang normal na kapasidad, dahilan upang umabot sa kabuuang 1,259.9 megawatts ang hindi maipasok na suplay sa grid.

Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng deklarasyon ng Yellow Alert ang pag-trip ng GNPK Unit 4, patuloy na forced outage ng malalaking coal plants na SEC 1, SEC 2, SMC 1, at SMC 2 na naapektuhan umano ng kamakailang malakas na lindol, at hindi pag-operate ng FDC 3 dahil sa boiler tube leak.

Nagdagdag rin sa problema ang mataas na demand sa kuryente sa buong Mindanao.

Ipinaliwanag ng grid operator na nagdedeklara ng Yellow Alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirements ng transmission grid.