Pinalalakas ng Bangsamoro Youth Commission (BYC) ang pakikipagtuwang nito sa iba’t ibang sektor at development partners bilang bahagi ng pagsusulong ng mga programang nakatuon sa kabataan, kapayapaan, at seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ay matapos dumalo si BYC Chairperson Nas Dunding sa isang pagpupulong kasama ang mga kinatawan ng Hiraya at ng British Embassy Manila upang talakayin ang posibleng pakikipagtulungan para sa pagbuo ng mga hakbang at programa para sa mga kabataan sa rehiyon.

Sa isang social media post, sinabi ni Dunding na naging makabuluhan at nakatuon sa hinaharap ang isinagawang pag-uusap na layuning mapalawak ang mga inisyatiba para sa youth development, peacebuilding, at seguridad sa BARMM.

Patuloy namang binibigyang-diin ng Bangsamoro Youth Commission ang mahalagang papel ng mga kabataan sa pagsusulong ng kapayapaan, mabuting pamamahala, at pangmatagalang kaunlaran sa rehiyon.