Nasawi ang isang negosyante habang arestado naman ang dalawang hinihinalang sangkot sa naganap na pamamaril sa loob ng Haifa Palace compound sa Barangay Gadongan, Marawi City, Lanao del Sur, ngayong Martes, Nobyembre 3, 2026.

Kinilala ang nasawi na si Daud Ayo Ali, residente ng nasabing barangay, habang hindi naman nasaktan ang kasama nitong si alyas Ans.

Arestado naman ang mga suspek na sina alyas Pingko, at alyas Malic.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Marawi City Police Station, nag-ugat umano ang insidente sa matagal nang alitan sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa sa pagitan nina alyas Tom at alyas Ans.
Nabatid na nagkaroon din umano ng naunang komprontasyon noong Oktubre ngayong taon na kinasangkutan ng kanilang mga anak kaugnay ng naturang alitan.

Ayon sa ulat, muling nagkita sina Tom at Ans sa loob ng Haifa Palace compound habang kasama umano ni Ans ang kanyang anak.

Nauwi ito sa mainitang komprontasyon kung saan tinamaan ng tatlong bala ang itim na Toyota Hilux na minamaneho ni Daud Ayo Ali.

Kalaunan, dumating umano ang grupo ni Daud at nauwi sa armadong sagupaan ang insidente, na ikinasawi ng nasabing negosyante.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Marawi City Police Station, katuwang ang iba pang police units, na nagresulta sa pagkakaaresto kina Tomawis at Malic sa loob din ng Haifa Palace compound, malapit sa Petron Gas Station.

Dinala na sa Marawi City Police Station ang dalawang suspek para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon, habang inihahanda na ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng nararapat na kaso.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye at motibo sa likod ng insidente.