‎‎Tinatayang aabot sa P70 milyon halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Liyangan, Picong, Lanao del Sur nitong madaling araw noong Linggo, Hunyo 14.

‎‎Ayon sa ulat ng pulisya, isinagawa ang operasyon mula alas-3:00 ng madaling araw hanggang alas-9:00 ng umaga sa tatlong makeshift storage facilities na matatagpuan sa isang bakanteng lote malapit sa baybaying-dagat ng barangay.

‎‎Pinangunahan ang operasyon ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 14-A katuwang ang iba pang yunit ng Philippine National Police, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine Army, at Picong Municipal Police Station.‎‎

Batay sa intelligence report, umano’y ginagamit ang mga naturang pasilidad bilang drop-off at imbakan ng malaking dami ng mga sigarilyong hinihinalang ipinuslit sa bansa.‎‎

Sa pagdating ng mga operatiba, nadatnan umano ang ilang indibidwal na nagsasaayos, nagbubuhat, at naglilipat ng mga kahon ng sigarilyo habang ang iba naman ay nagsisilbing bantay sa lugar.

‎‎Agad na siniguro ng mga awtoridad ang lugar at inaresto ang 15 katao na pinaniniwalaang may kaugnayan sa operasyon ng naturang imbakan.

‎‎Ayon sa pulisya, walang naipakitang kaukulang dokumento ang mga naarestong indibidwal para mapatunayan ang legal na pagmamay-ari at pagpasok ng mga produktong sigarilyo.‎‎

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre rin ang humigit-kumulang 1,800 master cases ng iba’t ibang brand ng sigarilyo kabilang ang Berlin, Cannon, Fort, Greenhill, Bosque, at Modern na pinaniniwalaang smuggled products.‎‎

May apat pang suspek na tinutugis ng mga awtoridad habang limang menor de edad na natagpuan sa lugar ay isinailalim sa pangangalaga at nakatakdang i-turn over sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).‎‎

Dahil sa banta sa seguridad mula sa mga armadong grupo sa lugar, kakulangan ng ilaw, at dami ng nakumpiskang kontrabando, inilipat ng mga awtoridad sa compound ng 2nd Provincial Mobile Force Company sa Malabang, Lanao del Sur ang mga nakumpiskang ebidensya para sa pagpapatuloy ng imbentaryo at dokumentasyon.‎‎

Patuloy namang inihahanda ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga naarestong indibidwal kaugnay ng paglabag sa anti-smuggling laws ng bansa.‎