Magandang balita para sa mga motorista at transport groups matapos asahan ang malaking rollback sa presyo ng diesel at kerosene ngayong Martes, Hunyo 16, habang magkahalong galaw naman ang inaasahan sa presyo ng gasolina.
Batay sa anunsyo ng Department of Energy o DOE, epektibo alas-6 ng umaga ngayong araw ang oil price adjustments ng mga kumpanya ng langis.
Posibleng bumaba ang presyo ng diesel ng mula P3.71 hanggang P5.71 kada litro, habang ang kerosene ay maaaring magtala ng bawas-presyo na mula P0.50 hanggang P2.50 kada litro.
Samantala, hindi pa tiyak ang magiging galaw sa presyo ng gasolina dahil maaari itong makaranas ng rollback na hanggang P0.32 kada litro o kaya naman ay pagtaas na hanggang P1.68 kada litro depende sa fuel retailer.
Ayon sa DOE, nagkakaiba ang ipinatutupad na presyo ng mga kumpanya ng langis dahil sa iba’t ibang salik tulad ng distansya ng mga istasyon mula sa mga depot at kani-kanilang pricing policies.
Dumarating ang rollback matapos ang serye ng malalaking pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo nitong mga nakaraang linggo. Noong nakaraang linggo lamang ay nagpatupad ng taas-presyo sa gasolina na P0.30 kada litro, diesel na mula P4.80 hanggang P5.77 kada litro, at kerosene na mula P4.75 hanggang P8.10 kada litro.
Sa kabila ng rollback, nananatiling mataas ang kabuuang pagtaas sa presyo ng petrolyo ngayong taon. Mula Enero hanggang Hunyo 9, umabot na sa net increase na P45.32 kada litro ang gasolina, P43.41 kada litro ang diesel, at P37.80 kada litro ang kerosene.
Samantala, positibong tinanggap ni Energy Secretary Sharon Garin ang mga ulat hinggil sa umano’y pagkakasundo ng Estados Unidos at Iran upang mapahupa ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon kay Garin, mahalaga ang naturang pag-unlad dahil ang Pilipinas ay umaasa sa pag-aangkat ng malaking bahagi ng suplay ng langis nito mula sa pandaigdigang merkado.
Tiniyak din ng DOE na sapat ang kasalukuyang imbentaryo ng bansa para sa humigit-kumulang 46 na araw na konsumo, kabilang ang suplay ng gasolina, diesel, kerosene, jet fuel, fuel oil at liquefied petroleum gas o LPG.

















