Muling nakaranas ng pagyanig ang bahagi ng Sarangani matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang magnitude 5.3 na lindol alas-4:03 ng hapon ngayong Hunyo 17.

Batay sa Earthquake Information No. 1 ng PHIVOLCS, tectonic ang pinagmulan ng lindol at natukoy ang episentro nito sa layong 53 kilometro timog-kanluran ng Balut Island sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental. Naitala rin ang lalim nito sa 10 kilometro.

Ayon sa PHIVOLCS, walang inaasahang pinsala mula sa pagyanig ngunit posibleng magkaroon ng mga kasunod na aftershocks.

Naramdaman ang Intensity IV sa Kiamba, Sarangani habang Intensity III naman sa General Santos City.

Sa instrumental intensities, naitala ang Intensity III sa General Santos City at mga bayan ng Kiamba at Maasim sa Sarangani. Intensity II naman sa Maitum at Malapatan sa Sarangani at T’boli, South Cotabato. Intensity I naman ang naitala sa Malungon, Sarangani at Surallah, South Cotabato.

Nilinaw ng PHIVOLCS na ang lindol ay isa lamang sa mga aftershock ng magnitude 7.8 offshore Sarangani earthquake na tumama noong Hunyo 8, 2026.