Arestado ang isang hinihinalang big-time drug pusher matapos makumpiskahan ng tinatayang P4.08 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Pagadian City kahapon, June 18.

Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 (PDEA-9) ang suspek sa alyas na Omar, 54-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Poblacion, Kumalarang, Zamboanga del Sur.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-9:30 ng umaga sa paligid ng isang fast food restaurant sa loob ng isang Mall sa Barangay San Pedro, Pagadian City.

Pinangunahan ito ng PDEA Zamboanga del Sur Provincial Office katuwang ang iba’t ibang yunit ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at iba pang law enforcement agencies.

Nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang 600 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na P4.08 milyon. Kabilang dito ang isang plastik na pakete na naglalaman ng tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na ginamit bilang buy-bust item at isa pang pakete na may lamang humigit-kumulang 100 gramo ng parehong iligal na droga.

Narekober din ng mga operatiba ang iba pang ebidensiya tulad ng mga cellular phone, bag na ginamit sa transaksyon, buy-bust money, at iba pang mga bagay na may kaugnayan sa operasyon.

Isinagawa ang inventory at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensiya sa presensya ng mga kinatawan mula sa Department of Justice, media, at isang halal na opisyal alinsunod sa itinakda ng Section 21 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 kaugnay ng pagbebenta ng ilegal na droga.