Inamin ni Senador Risa Hontiveros na patuloy niyang pinag-aaralan at pinaghahandaan ang posibilidad na tumakbo bilang Pangulo sa Halalan 2028, kasabay ng paghihintay sa magiging pasya ng kanyang mga kaalyado at mga grupong kabilang sa oposisyon.

Sa isang press conference nitong Biyernes, sinabi ni Hontiveros na bukas siya sa pagtakbo kung siya ang mapipiling maging pambatong kandidato ng United Opposition para sa susunod na presidential elections.

Ayon sa senador, seryoso niyang isinasaalang-alang ang naturang posibilidad at naghahanda na rin para rito kung kinakailangan.

Nagpasalamat din si Hontiveros sa Akbayan Partylist at iba pang grupo na naglunsad ng kampanyang “Risa Na!” bilang pagpapakita ng suporta sa kanyang posibleng kandidatura sa 2028.

Sinabi niyang mahalagang makapaglatag ang kanilang hanay ng isang kandidato na may pinakamalakas na tsansa at may malinaw na programang maiaalok sa mamamayan.

Umaasa rin ang senador na magkakaroon ng pagkakaisa ang oposisyon bago matapos ang 2026 o sa unang bahagi ng 2027 upang mapagkasunduan kung sino ang magiging standard bearer ng kanilang grupo.

Samantala, nauna nang nagpahayag si Vice President Sara Duterte ng intensyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections matapos ang kanyang anunsyo noong Pebrero 2026.