Naniniwala si dating senador Antonio Trillanes IV na may mga isinasagawang hakbang upang mapigilan o maantala ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Trillanes, umano’y kumikilos ang kampo ng pangalawang pangulo at ilan sa mga tagasuporta nito upang maglunsad ng iba’t ibang hakbang na maaaring makasagabal sa maayos na pag-usad ng paglilitis.
Isa sa mga tinukoy niya ay ang patuloy na paglabas ng mga alegasyon mula sa 18 dating bodyguards ni Zaldy Co, na aniya’y ginagamit upang siraan ang ilang personalidad na nagsusulong ng impeachment complaint laban kay Duterte.
Binanggit din ni Trillanes ang umano’y mga pagtatangkang lumikha ng kaguluhan o kontrobersiya na maaaring makaapekto sa impeachment proceedings.Giit niya, layunin umano ng kampo ni Duterte na makabuo ng matinding reaksiyong pampulitika at makuha ang simpatya ng publiko.
Gayunman, sinabi niyang hindi pa ito nakikita sa kasalukuyan kaya posibleng magkaroon pa ng iba pang hakbang upang maimpluwensiyahan ang proseso.Samantala, nauna nang inihayag ng defense team ni Vice President Duterte na handa silang harapin at sagutin ang mga alegasyong inihain laban sa kanya sa impeachment court.
Noong Hunyo 18, 2026, naisagawa na rin ang unang pre-trial conference bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na impeachment trial ng pangalawang pangulo.

















