Iginiit ni House Deputy Speaker Paolo Ortega na may pananagutan si Vice President Sara Duterte sa sambayanang Pilipino na personal na humarap sa nalalapit na impeachment trial at sagutin ang mga paratang na ibinabato laban sa kanya.

Ayon kay Ortega, kung balak ni Duterte na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa hinaharap, kabilang na ang pagkapangulo, nararapat lamang na ipakita niya ang kahandaang magpaliwanag sa publiko at harapin ang mga isyung kinakaharap niya.

Gayunman, sinabi ng mambabatas na mababa ang kanyang inaasahang posibilidad na dumalo ang Bise Presidente sa pagdinig. Aniya, posibleng bahagi ito ng estratehiya ng kampo ni Duterte, katulad ng hindi nito pagharap sa ilang pagdinig ng Kamara noong mga nakaraang buwan.

Sa kabila nito, tiniyak ni Ortega na nakahanda ang mga prosecutors sa anumang magiging hakbang ng depensa, kabilang ang posibleng hindi pagdalo sa paglilitis o mga hakbang na maaaring magpatagal sa proseso.

Binanggit din niya na batay sa pinakahuling survey, walong sa bawat sampung Pilipino ang nais nang masimulan ang impeachment proceedings upang mabigyang-linaw ang mga alegasyon at makuha ang mga kasagutang hinihintay ng publiko.

Inaasahan namang sisimulan ng Senado ang impeachment trial sa Hulyo 6, kung saan ilalatag ang mga ebidensya at tatalakayin ang mga usaping may kaugnayan sa kaso laban sa Bise Presidente.