Hindi lamang kasaysayan ng pakikibaka para sa kapayapaan ang nakaukit sa Sitio Talao, Barangay Karim sa bayan ng Buldon.
Para kay Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua, espesyal din ang lugar dahil dito nagsimula ang isang mahalagang bahagi ng kanyang personal na buhay-ang kanyang pag-iibigan kasama ang maybahay na si Guianima Macacua.
Sa pagbisita sa naturang lugar, muling nabalikan ni Macacua ang mga alaala ng nakaraan.
Bukod sa pagiging isa sa mga makasaysayang lugar ng Moro struggle, kabilang ang pagdaraos ng unang kongreso ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong siya ay isa pang kumander ng kilusan, dito rin umano unang nabuo ang pagkakaibigan at kalaunan ay pagmamahalan nila ni Guianima.
Si Guianima ay nagsilbi noon bilang medical aide na tumutulong sa mga mujahideen sa panahon ng armadong pakikibaka.
Sa gitna ng mga hamon at sakripisyo ng kanilang panahon, unti-unting nahubog ang kanilang relasyon na kalaunan ay humantong sa pagbuo ng kanilang pamilya.
Mula sa pagiging tahimik na komunidad na naging saksi sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng Bangsamoro, ang Sitio Talao ay isa na ngayong umuusbong na destinasyong panturismo.
Dinarayo ito ng mga turista dahil sa likas na kagandahan ng Boarding Falls at Binaan Waterfalls na matatagpuan sa lugar.
Patuloy namang pinauunlad ng lokal na pamahalaan ng Buldon, katuwang ang pamahalaang Bangsamoro, ang mga proyektong pangturismo at pangkaunlaran sa lugar.
Layunin nitong mapanatili ang kapayapaan at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga residente.
Sa paglipas ng panahon, nananatiling buhay sa Sitio Talao hindi lamang ang mga kuwento ng pakikibaka para sa sariling pagpapasya, kundi maging ang mga personal na kuwento ng pag-asa, pagmamahal, at pagbuo ng pamilya—mga alaalang patuloy na nagbibigay-kulay sa kasaysayan ng Bangsamoro.

















