Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P4 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo matapos matagpuan ang mga ito sa loob ng isang abandonadong sasakyang-pandagat sa baybayin ng Sitio Luas Pier, Barangay Laum Suwah, Parang, Sulu, madaling-araw ng Hunyo 22, 2026.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 9, nadiskubre ang insidente bandang 1:25 ng madaling-araw habang nagsasagawa ng routine mobile patrol ang mga tauhan ng Parang Municipal Police Station. Isang asul na motorized banca o “jungkong” ang napansin na walang sakay at tila iniwan lamang sa lugar.
Sa isinagawang inspeksyon, tumambad sa loob ng bangka ang kabuuang 101 kahon ng iba’t ibang uri ng iligal na sigarilyo. Kabilang dito ang New Castle Red na tinatayang nagkakahalaga ng P1.11 milyon, New Castle White na nasa P777,000, Hero Red na umaabot sa P1.48 milyon, at Cannon Menthol na nasa P570,000.
Wala namang nakitang may-ari o sinumang umangkin sa sasakyang-pandagat at sa mga kargamento nito kaya agad itong itinuring na abandonado. Dinala ang mga nakumpiskang sigarilyo at bangka sa himpilan ng Parang MPS para sa dokumentasyon bago ito iturn-over sa Bureau of Customs para sa kaukulang disposisyon.

















