Ipinanukala ng Akbayan Party-list ang House Bill 9929 o “Lived Identities and Recognition Act,” na mas kilala rin bilang “Sharmaine Bill,” bilang bahagi ng paggunita sa Pride Month.
Ayon kay Akbayan Rep. Perci Cendaña, layunin ng panukala na bigyan ng mas mabilis at mas madaling proseso ang pagkilala sa tunay na identidad ng mga transgender, intersex, at non-binary Filipinos sa pamamagitan ng pag-aayos ng kanilang legal na pangalan at gender marker.
Giit ni Cendaña, maraming miyembro ng LGBTQIA+ community ang patuloy na nakararanas ng diskriminasyon dahil sa hindi tugmang personal na impormasyon sa kanilang mga legal na dokumento.
Sa ilalim ng panukala, posibleng mabago ang pangalan at iba pang mahahalagang detalye sa civil registry nang hindi na kinakailangang dumaan sa mahaba at magastos na proseso sa korte.
Saklaw din nito ang mga survivor ng gender-based violence at child abuse na nais palitan ang kanilang pangalan para sa seguridad at mas maayos na kapakanan.

















