Inaasahan na ng House prosecution panel ang paglalabas ng Senate impeachment court ng pre-trial order matapos makumpleto ang pre-trial conference kaugnay ng nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House Trial spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, ang pre-trial order ang magsisilbing gabay ng parehong prosecution at defense panels dahil nakapaloob dito ang buod ng mga napagkasunduan sa conference, kabilang ang mga alituntunin at mga parameter na susundin sa paglilitis na magsisimula sa Hulyo 6.

Ipinaliwanag ni Adiong na layunin ng naturang kautusan na matukoy kung alin sa mga stipulations of fact ang tinanggap ng magkabilang panig upang mapabilis ang takbo ng paglilitis at mailaan ang oras sa mga isyung nananatiling pinagtatalunan.

Aniya, ang mga hindi pa nareresolbang mosyon, disputed pleadings, at mga usapin hinggil sa ebidensya ay pagpapasyahan ng Senate impeachment court, dahil wala umanong kapangyarihan ang Senate Secretary at Impeachment Clerk of Court na si Renato Bantug Jr. na resolbahin ang mga ito.

Sa pahayag ni Adiong, ang pre-trial order ang magsisilbing kabuuang direktiba ng korte kung anu-anong usapin ang tatanggapin, isasama, at ipatutupad bilang gabay ng magkabilang panig sa pagsisimula ng impeachment trial.