Nasawi ang driver ng isang payong-payong habang ilang pasahero ang nasugatan matapos itong makabanggaan ng isang elf truck na may kargang copra sa kahabaan ng Cotabato–General Santos Highway sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ngayong hapon.

Sa paunang ulat, ang nasawing driver ay residente ng Barangay Kurintem sa nasabing bayan. Idineklara siyang dead on arrival dahil sa matinding pinsalang tinamo sa insidente.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Datu Odin Sinsuat upang magsagawa ng rescue operation at mabigyan ng paunang lunas ang mga nasugatang sakay ng payong-payong. Kaagad silang dinala sa Cotabato Regional Medical Center para sa karagdagang gamutan.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng banggaan sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon, habang nakikipag-ugnayan ang MDRRMO sa iba pang kinauukulang ahensya para sa kaukulang aksyon.

Samantala, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang lahat ng motorista na maging maingat sa pagmamaneho, sumunod sa mga batas-trapiko, at magbigay-daan sa mga emergency responders upang mapabilis ang pagtugon sa oras ng sakuna.