Arestado ang tatlong suspek ang ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng insidente ng pamamaril sa bayan ng Pantukan, Davao de Oro, wala pang isang araw matapos ang krimen.
Ayon sa PNP, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation at masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kasunod ng insidente noong Hunyo 26, 2026, na nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto ng tatlong pinaghihinalaan.
Kinilala ng pulisya ang isa sa mga naaresto, isang 35-anyos na lalaki, bilang umano’y gunman matapos siyang positibong matukoy ng biktima sa pamamagitan ng police rogue’s gallery. Kinilala rin ng mga saksi ang dalawa pa niyang kasamahan isang 34-anyos na dating miyembro ng PNP na natanggal sa serbisyo at isang 25-anyos na babae na umano’y sakay ng sasakyang ginamit sa pamamaril.
Sa isinagawang operasyon, narekober ng mga awtoridad ang isang kalibre .45 na baril, mga bala, mga magazine, at ang pinaniniwalaang getaway vehicle na ginamit sa krimen.
Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang isa pang suspek na nananatiling nakatakas habang isinasapinal ang mga ebidensya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.
Ayon sa PNP, ang mabilis na pag-usad ng imbestigasyon ay bunga ng pinaigting na koordinasyon ng mga operating units at investigators, gayundin ng mas pinalakas na intelligence gathering at police operations.
Pinuri ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga operatibang nagsagawa ng agarang aksyon at tiniyak sa publiko na hindi titigil ang pulisya hangga’t hindi naaaresto ang natitirang suspek.
“Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin napapanagot ang lahat ng sangkot sa krimeng ito. Ang mabilis na aksyon ng ating mga pulis ay patunay na kapag nagtutulungan ang ating mga operating units at investigators, mas mabilis nating naihahatid ang hustisya. Patuloy nating paiigtingin ang ating operasyon upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng ating mga komunidad,” ani PGen. Nartatez.
Tiniyak din ng PNP na nagpapatuloy ang imbestigasyon at ang lahat ng hakbang na isinasagawa ay naaayon sa batas at may paggalang sa due process. Kasabay nito, ipinagpapatuloy ng mga awtoridad ang operasyon upang madakip ang huling suspek at mapanagot ang lahat ng sangkot sa insidente.

















