Makakaranas ng maulap na papawirin, kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes dahil sa low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA).
Sa 3:00 a.m. weather bulletin ng PAGASA, namataan ang LPA sa layong 495 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao del Norte.Mga Mapa
Bagama’t mababa ang posibilidad na maging tropical depression ang sama ng panahon sa loob ng susunod na 24 oras, inaasahan pa rin itong magdadala ng pag-ulan sa ilang lugar sa bansa.
Ayon sa state weather bureau, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Visayas, Bicol Region, Caraga, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, at Romblon dahil sa LPA.
Nagbabala rin ang weather bureau sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar bunsod ng katamtaman hanggang sa minsang malalakas na pag-ulan.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng MIMAROPA ay makakaranas din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dulot naman ng Southwest Monsoon o habagat.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms na dulot ng localized thunderstorms.

















