Tuluyan nang naging Tropical Depression “Henry” ang low pressure area (LPA) na binabantayan sa kanlurang bahagi ng bansa.
Ayon sa pinakahuling ulat, ang sentro ng bagyo ay tinatayang nasa 115 kilometro kanluran timog-kanluran ng Abucay, Bataan.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 45 km/h malapit sa sentro at pagbugso hanggang 55 km/h, habang kumikilos ito pa-northwest sa bilis na 25 km/h.
Ang sirkulasyon ng hangin ay umaabot hanggang 150 kilometro mula sa sentro ng bagyo.
Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang timog-kanlurang bahagi ng Zambales (San Antonio, Castillejos, Subic, Olongapo City), kanlurang bahagi ng Bataan (Morong, Bagac, Mariveles), at Lubang Islands.
Ang mga lugar na ito ay inaasahang makararanas ng malalakas na hangin sa loob ng 36 oras, na may bilis mula 39 hanggang 61 km/h, na maaaring magdulot ng minimal hanggang minor na pinsala sa buhay at ari-arian.
Patuloy na pinapayuhan ang publiko na maging handa at bantayan ang mga susunod na abiso hinggil sa galaw at posibleng epekto ng Bagyong Henry.

















