Pormal nang itinalaga si Colonel Glenn Loreto T. Caballero bilang Acting Commander ng 603rd Infantry Brigade sa isinagawang turnover of command ceremony noong Hulyo 1 sa Camp Siongco, Awang.

Pinili si Caballero ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, bilang kapalit ng nagretirong si Brigadier General Michael A. Santos matapos ang halos 39 na taong serbisyo sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kasabay ng turnover, ginawaran si BGen. Santos ng Distinguished Service Star at Plaque of Recognition bilang pagkilala sa kanyang natatanging pamumuno at mahalagang ambag sa AFP.

Sa kanyang huling mensahe bilang brigade commander, hinimok ni Santos ang mga sundalo na patuloy na isabuhay ang disiplina at integridad, at tiniyak ang kanyang patuloy na suporta sa mga programang pangkapayapaan sa rehiyon.

Dinaluhan ang seremonya ng mga matataas na opisyal ng AFP at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan.