Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi makatutulong ang naging desisyon ng China na patawan ng parusa si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. dahil lalo lamang umano nitong pinatataas ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ayon sa Pangulo, walang naidudulot na positibong epekto ang naturang hakbang sa patuloy na usapin ng dalawang bansa hinggil sa sigalot sa West Philippine Sea. Aniya, hindi nito napapausad ang mga pag-uusap para maresolba ang alitan at maaari pang magbunga ng hindi pagkakaunawaan o mas seryosong insidente.
Ipinaliwanag ni Marcos na ang hakbang ng Beijing ay mistulang tugon lamang sa ilang naging pahayag ni Teodoro sa mga pandaigdigang forum at hindi nagbibigay ng anumang ambag sa paghahanap ng mapayapang solusyon sa usapin ng teritoryo.
Binigyang-diin din ng Pangulo na patuloy na isinusulong ng Pilipinas ang bukas na komunikasyon sa China sa iba’t ibang antas, kabilang ang ugnayan ng mga pamahalaan, sektor ng negosyo, at iba pang larangan, bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang katatagan at mabawasan ang tensyon sa West Philippine Sea.
Ayon pa kay Marcos, hindi makabubuti ang pagsasara ng isa pang linya ng komunikasyon, partikular sa pagitan ng mga defense ministry ng dalawang bansa, dahil mahalaga ito sa pagpigil sa mga pangyayaring maaaring mauwi sa mas malalim na sigalot.
Sa kabila nito, kinilala ng Pangulo na karapatan ng China ang gumawa ng naturang hakbang, ngunit iginiit niyang hindi ito nakatutulong sa layunin ng dalawang bansa na mapangasiwaan ang umiiral na tensyon at maiwasan ang anumang insidenteng maaaring magpalala sa sitwasyon sa West Philippine Sea.

















